Tuwing pinagkukwentuhan ang tungkol sa mga lalaking kaibig-ibig, parati kong binabanggit na kailangan mayaman ang isang lalaki para magustuhan ko siya. Maaaring may-ari siya ng hotel chains sa Korea, panginoong-may-lupa, o kaya naman ay Prinsipe. Siya kasi ang magiging daan ng pagginhawa ng maaari kong maging buhay. Hatid-sundo pa ako saan man ako kailangang pumunta. Swerte yun e, hitting two birds with one stone. May pag-ibig na nga, may maganda pang kinabukasan.
Pero ang totoo niyan, kapag ini-estima ko na ang isang lalaking maaaring hangaan sa kuntekstong romantiko, nagiging malaking kabawasan na ang kayamanan. Karamihan sa mga naging seryoso kong gusto ay wala namang hotel, resort, hacienda, o kahit man lang koche na pangsarili. Sila yung mga tipo ng tao na may malaking chansang makatabi ko sa jeep dahil, tulad ko, iyon lang din ang inaasahan nilang magdadala sa kanila sa eskwelahan mula bahay. Simple lang silang manamit at hindi mukhang mahirap lapitan. Sila yung mga taong nakikita kong malapit sa totoo kong buhay. Yung kahit ang mga kaibigan ay hindi magiging pabigat sa akin ang pakisamahan dahil, sa katunayan, mga kaibigan ko rin naman talaga sila. At higit sa lahat, mga may iniibig na silang iba. Pero hindi ito ang punto ko.
Marahil natatakot akong magkagusto sa mga totoong mayayaman dahil malaking-malaki ang pagkakaiba namin at wala lang akong aasahan. Gayong ito naman ang parating kinatatapusan ng mga taong gusto/ginusto ko, sigurado na kasi akong tatanawin ko lang sila sa buong panahong kumbinsido akong gusto ko sila; at ayaw ko sana yun.
Dumating ang isang prinsipe, na wala naman akong ideya sa estado niya sa buhay noong una. Sa klase kung saan ko siya nakakasama, siya na ang pinaka-may ichura at pinaka-may dahilan para matitigan. Kaso lang maraming nakakakilala sa akin sa klaseng iyon kaya bawal maging bukas sa pagkukwento ng mga laman ng isip ko. Hindi ako pinalad na makadaupang-palad siya kahit minsan, pero tinitignan ko siya parati.
Hanggang sa may magbanggit sa akin tungkol sa kanya. At ang pananaw, o mas tama yatang sabihing pagtingin, niya sa prinsipe. At ang mga kwento ng mga interaksyon nilang dalawa. Maswerte. At sa legal niyang pagtawag sa prinsipe sa pangalan nito. Inggit. At sa pagkakaalam niyang may itinatangi na ito. Lungkot.
At ang buhay ay nanatiling manhid sa mga hinaing ko, at walang pakialam sa mga dinaramdam ko. Dumaan ang mga araw na tulad lang ng mga nagdaan na. Tinitignan ko pa rin siya. Ginulat ako ng tadhana nang minsang kasama ko ang ilang kaibigang kakilala naman niya. Kasama niya noon ang mahal niya. Dito ko napagtantong wala ako talagang radar sa mga nag-iibigan. Dati ko na silang nakikita pero hindi ko iyon nalaman. Pero hindi naman iyon ang nakagulat sa akin. Binati niya kasi kami pagdating namin at bago sila umalis. At kahit para sa buong grupo ang pagbating iyon, napangiti ako. Binati ako ng prinsipe. Isang malaking karangalan yun para sa akin. Kahit ang totoo ay wala nang susunod pa rito, napangiti pa rin ako ng pangyayari. Maswerte ang susunod na prinsesa, ang prinsipe ay gwapo, matalino, higit sa lahat, walang hangin sa ulo. Sayang lang, pero kung tutuusin ay buti na lang... nakahabol pa ako ng isang pagbati mula sa kanya. Di ko man maaangkin, di rin naman maitatanggi. ☺☺☺
Natanto ko tuloy na kahit ayaw ko ang mga sorpresa dahil ito ay isang malaking panira ng mga plano, sa kalaliman ng puso ko ay walang kasing saya ang masorpresa. Palagay ko ang mga maliliit na di inaasahang pangyayari ang totoong hinahangaan ko. Mababaw lang naman ako. At mas naiinis ako sa mga sobra-sobrang pakulo. Mas maganda kasing magulat sa mga bagay na natural lang naman talaga, hindi ko lang alam pa. Kaya ako nahuhulog sa mga nice guys e. Mga nilalang na walang patumanggang nang-aakit ng tulad ko sa pamamagitan ng pagiging magalang o kaya naman ay pagiging mabuting taong madaling lapitan.
At ganoon ang prinsipe. Magalang siya, kaya nga siya bumati bago umalis. At oo mabuti siyang tao na madaling lapitan. Alam ko kahit hindi ako ang mismong nakakaranas ng ganito niyang katangian. Hindi siya magdadalawang-isip sagutin ka kapag tinawag mo ang pangalan niya, kilala ka man niya o hindi. Siguro dahil prinsipe nga siya. Wala siyang pakialam sa mga pangalang ibinabansag lang naman sa kanya. Bilib na bilib talaga ako sa kababaan ng loob niya sa kabila ng pagiging prinsipe. Kaya hindi ko siya makakalimutan (sa ngayon… salamat sa magaling kong utak, naniniwala akong malapit na ang araw na kakainin ko itong sinabi ko) dahil kahit umalis na siya, umalis na rin ako, isa itong magandang alaala na may magagandang ideyang iniwan. Ang galing.
GIAN, MONIQUE, Jasmine... si Troy nawawala...