Tuesday, December 13, 2005

sabi ni Papa God magpalit na daw ako ng hikaw

ok. hindi ko alam kung ano ang iniisip ko noong mga panahong iyon...hindi na ako nakapagsalita pagkatapos... marahil ay binabalikan na ako ng tadhana sa mga panahon ng panloloko ko sa mga kaibigan kong nakikita ko sa Katipunan.
hindi naman masama ang loob ko na nakuha ang hikaw ko e. sa palagay ko naman e sapat na ang tagal ng pagsisilbi niya sa akin... isa pa e luma na rin naman un at marumi na. tamad kasi akong magpalinis sa unisilver. isa pa un, mura lang naman siya.
ang ikinasasama lang ng loob ko ay ang katotohanang naloko ako at naisahan. nakakahiya pa dahil ang nakuha sa akin ay isang bagay na nakadikit na sa katawan ko... buti na lang hindi ang pinakamamahal kong telepono. nakakainis pa dahil nakakita na ako dati ng babaeng nabiktima ng ganoong paraan. kumusta naman ang dapat na pagkatuto sa karanasan ng iba? ang tanga ko talaga! naramdaman ko namang may humahawak sa tenga ko hindi ko pa siya napigilan. tanga! hindi pa ako nagsalita dahil ayoko naman ng eskandalo. ayoko na tinitignan ako ng maraming taong hindi naman malapit sa akin. iniisip kong hinuhusgahan na nila ako bilang papansin at kung anu-ano pa. oh wel. ito pa ang nakakainis. dahil ang nakabiktima sa akin ay isang barker sa katipunan (ng mga jeep na papuntang antipolo... sss at kung anu-ano pa...) pagkatapos niyang makuha ang dalawa kong hikaw e binigyan pa siya ng pera nung barker ng jeep na sinasakyan ko... kumusta naman ang reward? ang driver naman ng jeep na ito e wala ring ginawa pagkatapos kundi sabihan ang mga pasahero na ingatan ang mga suot na alahas. oh wel.
ayoko talaga ng pakiramdam ng naiisahan. responsable na ako sa sarili ko mahigit isa't kalahating taon na. sa nangyaring ito... ewan ko na kung responsable pa rin ako. sa kasabihan nga, ang mangyari minsan ay hindi na mauulit pero mangayring makalawa ay paulit-ulit na mangyayari pa. sa ngayon, inaabangan ko na ang pangalawa. hindi na ako naghihikaw. at hindi na ako tatanga.
opo Papa God. papalitan ko na ang hikaw na iyon. pero sa ngayon, isinusumpa ko lahat ng nakahawak man lang ng hikaw ko matapos itong kunin sa tenga ko, kasama na ang kumuha nito, magkakabukol-bukol ang katawan ninyo... magsusuka at ilalabas lahat ng laman ng katawan ninyo... pero hindi kayo mamamatay. aabutin ng daang taon ang buhay ninyo pero walang kikilala sa inyo bilang tao. pandidirihan kayo at lalayuan. mabubuhay nang walang pagmamahal. kailangan ninyong matuto ng aral kaya paulit-ulit na ipapaalala sa inyo ang araw na ito at ang iba pang nilinlang ninyo... at ang pagbabagong hindi ko alam kung kaya ninyo pang gawin. mahabang buhay ng pag-iisa.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home