alaala.
muli akong napabalik sa mga dati kong kagamitan. kailangan kasi. bukas ang nakataya.
alam ko namang maraming alaalang kakabit ang mga ito. may ilang inilibing ko nang sadya.
pinaghandaan ko ang muli naming paghaharap ng mga ito. ang kaso, walang paghahandang sasapat para hindi ko sila indahin. nakikita ko ang pag-ahon nila sa hukay at ang pangambang dadalhin nila sa akin. at yun lang ang sumasakop sa aking paningin.
naririnig ko ulit ang mga halakhakan, patunay na masaya naman ako noon. naaamoy ko na naman ang bango sa kabila ng sangsang ng mga di kilalang likido sa loob ng mga bubog na sisidlan. nalalasahan ko pa ang tamis ng inumin. pero bakit kahit ganito kaganda ang nakaraang walang mukha ay kilabot naman ang dala sa akin?
nadarama kita... at ang mga naging dahilan ng nakaraang ngiti. nagpaparamdam sa aking gunita ang ikaw na naranasan. buti na lang tumigil na doon. dahil tumigil na rin akong maghalungkat pa. pero alam kong kakailanganin ko itong gawin ulit bukas at sa mga susunod pang mga araw.
may mga alaala mang di ko na nais pang balikan, hindi ko hawak ang buong mundo, hindi lahat ng gusto ko masusunod. kung nasa akin lang ang kapangyarihan, ang alaala mo'y hindi magkakaganito, mananatili iyong awit na di nakakasawang pakinggan at sabayan. pero gising na gising ako sa mga katotohanan ng pagiging tao. ako ay nasa ilalim ng isang kapangyarihang hindi ko kailanman maiintindihan. at ganoon na lang yun. ang mga alaalang inililibing ko ay aahon kahit wala akong pahintulot. tulad ngayon.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home