Wednesday, March 14, 2007

tulog

hindi ako makapaniwalang may oras pa akong magliwaliw at magsulat ng ganito sa kalagayan ko ngayon. ang buhay ay parang ang ferris wheel sa UP Fair... babayaran mo para matakot ka, mahilo at masuka... at magising na ayaw mo na rito.
hayok na hayok na ako sa tulog... pinagkakait sa akin ng mundo ang karapatan ng mga mata kong pumikit nang matagal... nagkakaisa ang mga tao at bagay sa paligid kong pagtulungan ako.
pero masaya pa naman ako... nakakangiti pa naman totoo man o hindi. tuwing pagkatapos ng bawat pagsubok sa akin... gumagaan ang ulo ko na tila nawawalan ng laman... at parang gusto ko na lang tumawa habang nakasimangot... nababaliw na ako.
binibisita ako ng kung sino-sino sa panaginip samantalang mulat naman ako... nakikita pero hindi nararamdaman. nararamdaman pero wala naman. natatakot na ako. sa mga desisyon kong sigurado akong ipapahamak ako isang araw... inaabangan ko na ang banging kahuhulugan ko. sana na lang ay maganda ang tanawin doon para hindi naman sayang ang pagpunta ko... sana kahit mahuhulog ako ay makakatingala pa rin ako para hangaan ang buwan. sana doon ay hindi ako antukin... sa kahit ano pa mang kadahilanan.
ang buhay ko ay dumidilim na hindi pa man nagdadapithapon. wala na akong matanaw sa dako paroon... naaalala kong bahagya ang bukang liwayway... gayunpama'y hindi ko gaanong mabanaag ang liwanag nito. hindi bale, basta nariyan ang buwan...
ang gabi ay walang kasing ganda. gayunpaman ay parati ko itong nakakatulugan.
pakisara na lang ang bibig ko at pakipunas ang laway... nahihimbing.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home